Ikinulong sa rehas na bakal ang ibon na hinuli ng mga dayo mula sa ibang lupain. Dumanas nang malalakas na hagupit buhat sa mga kamay ng mga taong maiitim ang budhi. Lumatay ang sugat na nagpalala nang galit ng ibon sa mga dayuhang yumurak sa kanya.Pinilit niyang humulagpos ngunit ang mga paa’y tanikalang itinali sa isang sulok nang madilim na hawlang kanyang kinasadlakan.Bagamat ginawang busabos,bumangon siya sa pagkakadapa at kahit paos ang tinig, umawit siya ng himno nang pagdadalamhati at nagbakasakaling may makarinig at tulungan siyang makawala. Ang madamdaming huni ng ibon ay nangibabaw sa kapuluan.Unti-unting narinig na gumising sa damdamin ng mga taong tunay na may karapatan sa lupang kanilang tinatapakan. Nakipaglaban upang maitaboy ang mga sakim na dayuhan at mabigyang laya ang naghihingalong ibon sa pagkabulid sa rehas.Tuluyan ngang nakalipad ang ibon dahil sa magigiting na taong nagtanggol at nagbuwis ng buhay para sa kanyang kalayaan. Nagsimulang maglakbay ang ibon sa himpapawid at nilasap ang dulot ng pagiging malaya.
Nakaramdam nang pagkahapo ang ibon at naghanap nang masisilungan. Sa pagkamangha, nakita niya na nagkakawatak-watak ang mga taong inaasahan niya na muling magtatanggol sa kanya laban sa anumang pagbabanta ng kasakiman. Oo nga’t malaya na siyang nakalipad sa palad ng mga dayuhang dati’y sa kanya’y bumihag ngunit mas nakatatatakot ang ngayo’y bumabalot sa kanyang katawan sapagkat hindi niya alam kung may nagmamalasakit pa sa kanya sapagkat pawang mga pansariling kapakanan na ang naghahari sa lupang kanyang naging tirahan. Nangangamba siya na darating ang araw na bagamat siya’y nakalilipad muling lalagyan ng tanikala ang kanyang mga paa tulad ng isang guryon na pinalilipad ng taong may hawak ng tali. Mas masahol pa ang magiging kahahantungan niya sapagkat ang mga taong dapat kumikilala at nagpapahalaga sa kanyang pagiging malaya ang siyang pipigil sa kanyang paglipad. Ang masaklap, gagawin siyang sunud-sunuran ng mga taong walang katakawan sa kapangyarihan.Habang pinipilit hanapan ng kasagutan ang tanong na bumabagabag sa kanya, hindi niya namalayan ang pagbuhos nang masaganang luha sa kanyang mga mata . Nasaan na ang mga magigiting na taong maaaring magtanggol at kikilala sa kanyang malayang paglipad. Mayroon pa bang magpapahalaga sa diwa ng paglaya?
Lumipad ang ibon bakas ang lungkot at paghihinayang sa kinahihinatnan ng lupang kanyang tinubuan. Pagod na pagod at hindi alam kung saan makikisilong. Hanggang sa kanyang paglipad nakita niya ang isang bata na kumakaway sa kanya. Bumagal ang kanyang kampay at tinungo ang kinalalagyan ng munting musmos na ito. At habang papalapit, nakita niya itong lumulundag sa kasiyahan. Ibinuka ng bata ang kamao nitong nakatikom upang malaya siyang makadapo sa kanyang palad. Naramdaman niya ang mahinahong paghaplos ng bata sa kanya. Ingat na ingat upang siya’y di masaktan. Habang patuloy sa paghipo ang bata, nakadama siya ng ginhawa at doon tahimik na winika , na sana sa palad ng musmos na ito magsisimula muling manariwa ang pagmamahal sa kalayaan at lalabanan ang anumang banta nang kasakiman at pang-aabuso sa kapangyarihan.